Ikaw Pa Rin

Ikaw Pa Rin

Natapos ang mga matatamis na tagpo
sa ating kwentong tila sa mga telenovela.
Ang prinsipe’y iniwan na ng kanyang prinsesa
at ang ngiti sa kanyang mukha ay kanya ring dinala.
Aaminin ko, magmukha man akong tanga sa paningin mo
ay hindi ito matatapos dito.
Hindi ko hahayaang itago lang ang sakit na nadarama.
Tanga na kung tanga pero aaminin kong ikaw pa rin.
Ikaw pa rin ang laman ng isip sa paggising sa umaga,
umaasa na mensahe mo pa rin ang bubungad sa aking mga mata.
Ikaw pa rin ang naaalala sa mga pahina ng aklat na aking binabasa,
ikaw pa rin ang bida sa bawat kwento
at ang pinakamaganda sa lahat ng paglalarawan dito.
Mga tinig mo pa rin ang naririnig
sa tuwing pakikinggan ang paboritong awitin.
At sa tuwing bubuksan ang mga bintana’y
tila mga labi mo pa rin ang ngumingiti sa akin,
amoy mo pa rin ang nasasamyo sa hangin.

Ikaw pa rin.

Hindi ko alam kung mapapalitan pa
o gugustuhin ko mang magbago ang nadarama
ngunit ikaw pa rin.
Ikaw pa rin ang nais kasalo sa umaga, tanghali o sa gabi,
ang pupukaw sa aking isipan kasabay ng mainit na kape.
Katambal ng dasal na sana palaging ikaw ang nasa tabi.
Ang hahawak sa aking mga kamay at magsasabing, “tama na yan,
“magpahinga ka naman.”
Gayong ikaw lamang ang dahilan ng pagkapagod ng aking isipan.
Ngunit ikaw rin ang pahinga, ikaw pa rin ang dahilan ng bawat paghinga.
Ikaw pa rin ang mga bituin ko sa gabi,
ang araw sa umaga at ang haplos sa aking mukha.
Na kung saang direksyon man ako tumingin, larawan mo pa rin,
sa kaliwa, sa kanan, sa likod maging sa aking harapan,
larawan mo pa rin ang nakaukit sa aking isipan.

Tunay na napakahirap mong pakawalan
at hindi ko matitiyak kung kailan,
kailan matatapos ang dalamhati, kailan maibabalik ang mga ninakaw na ngiti?
Kailan mabubura ang mapait na alaala
at maiiwan ang tamis, ang saya, ang mga panahong tayo lang ang bida,
walang siya, walang sila.
Tila napakalupit ng tadhana,
matapos nyang ibigay sa akin ang daigdig,
iabot ang mga bituin at mga ulap,
bigla naman nyang kinuha sa akin ang lahat.
Ang lahat na akala ko’y pangmatagalan,
ang lahat na napakasaya at tila walang katapusan.
Ang lahat na hanggang ngayon ay sentro at dahilan ng aking mga pangarap.
Ikaw pa rin ang lahat sa akin.

Matapos man ang tulang ito, natitiyak kong
hindi pa rin matatapos ang taghoy ng pusong sugatan,
ang tangis ng pusong iniwan.
Hindi pa rin matatapos ang pagmamahal.
Isa lamang ang aking hinihiling,
hindi ang makalimot at gumaling sa sakit na nararamdaman.
Isa lamang, Mahal – ang hindi mo pagsisihan
ang lahat ng ating pinagsaluhan,
ang mga oras na ibinuhos sa isa’t isa, ang mga tulang isinulat,
ang mga liham at mga kanta.
Huwag mo sanang pagsisihan ang pagmamahal na minsa’y ipinadama
sa isang tulad ko na walang ibang alam gawin
kundi ang pasayahin at mahalin ka.

Huwag kang mag-alala,
babaunin ko ang lahat ng alaala, lahat ng sakit,
pait at sugat na dulot nang mahalin kita.
Lalo na ang mga lugar kung saan nakaukit ang ating pangalan,
at mga pangakong ngayo’y nakalimutan at naglaho na.
Ipagdarasal ko pa rin sa Maykapal na pasayahin ka,
na huwag mapawi ang ngiti sa iyong mga mata.
Patawarin mo ako kung hanggang ngayon ay ikaw pa rin.
Ipinapangako kong darating ang araw na matututunan kong makalimot,
matututunan kong maging masaya at mahalin ang sarili.
Mahal, sa muli nating pagtatagpo ay napatawad na kita
sa hindi mo paglingon at napatawad ko na rin ang aking sarili
sa labis na pagluha at hindi ko paghinga.

Ngayon, ikaw pa rin ngunit alam kong isang araw
ay gigising akong, tapos na.